SASMUAN, Pampanga --- Isang bagong munisipyo ang nais ipatayo ni dating mayor Lina Cabrera kung siya ay palaring makabalik muli bilang alkalde ng bayang ito sa darating na eleksyon sa susunod na buwan.
Sa isang campaign sortie at motorcade nitong Sabado kung saan naging mainit at masaya ang pagsalubong ng daan daang tagasuporta nito, inihayag ng dating alkalde ang kanyang planong magpatayo ng isang bagong municipal hall at gawin na lamang isang pagamutan o community hospital ang kasalukuyang gusali ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Cabrera, mahalaga ang pagkakaroon ng masa malaki at makabagong municipyo upang mas matugunan ang lumalawig ng serbisyo ng local government unit (LGU).
"Nais nating magpatayo ng isang bagong municipyo na naglalayong mapabilis ang pamimigay ng serbisyo at maging maginhawa sa bawat mamamayan" wika ni Cabrera.
Samantala, kasama sa kanyang plano na gawing isang community hospital ang kasalukuyang municipyo upang mas maging malapit sa taong bayan ang serbisyong medikal at pangkalusugan.
Si Cabrera ay dati ng nanungkulan bilang unang babaeng alkalde ng Sasmuan sa loob ng 9 na taon o 3 termino.
Naging isang mambabatas at kinatawan ng Association of Laborers and Employees (ALE) Party-List sa 15th Congress kung saan isinulong niya ang iba't ibang adbokasiya para sa karapatan at kagalingan ng ordinaryong manggagawang Pilipino, pagsusulong ng Small Medium Enterprise (SME) kabuhayan, kalusugan at kababaihan.
Nakapaglingkod din siya bilang board member ng ikalawang distrito ng Pampanga na kinabibilangan ng mga bayan ng Floridablanca, Guagua, Sta. Rita, Porac, Lubao at Sasmuan.
Comments